Dati pangarap ko talagang pumunta sa New Zealand. Magmula nung bata ako hanggang college. Ang age limit na binigay ko sa sarili ko para makapunta sa New Zealand ay 25. Dapat bago ako magbentesingko anyos ay nasa New Zealand na ako. Kung susumahin ay may isa't kalahating taon na lang ako. Pero hindi ko na ito iniisip, parang hindi ko na gustong tumira sa bansa na maraming baka. Sa totoo lang, hindi ko na naiisip na tumira sa kahit anong bansa liban sa Pilipinas. Oo nga, pwera biro. Di ako baliw o tanga. May narealize lang ako sa pagbbyahe byahe ko.
Nerealize ko ang importansya ng aking pamilya, nung mga mahal ko sa buhay, nung aming munting tahanan. Dati wala akong pakialam sa kanila, ang totoo nga nyan ay kinamumuhian ko ang aking kakaibang pamilya. Away dito, away dun, reklamo dito, reklamo dun. Pero nung nagsimula akong bumyahe dahil sa aking trabaho at nagsimula akong mawala sa bahay namin ng mga ilang araw linggu-linggo, tumira sa iba ibang lugar, at madalas na kumain ng magisa ay nakakagulat na namiss ko ang aking pamilya. Napagtanto ko kung gaano nila ako napapasaya at naisip ko na hindi sapat na dahilan ang pera para ipagpalit ko ang kasiyahan na aking nadarama kapag kapiling sila at ang aking mga kaibigan. Dito ako pinanganak at kahit gaano pa kabulok ang kalakaran at sistema dito sa Pinas ay hindi ko ito ipagpapalit dahil ang puso ko ay nakatatak na sa lupain na ito.
Naalala ko na may napanuod ako dati na interview kay Sharon Cuneta at sinabi nya na kaya daw hindi sila nagmimigrate ng kanyang pamilya sa ibang bansa ay dahil magiging second class citizen daw sila. Kahit pa daw legal silang maging citizen ng isang banyagang bayan ay hindi pa rin ito katulad nung kapag nasa Perlas ng Silangan sila. "Pilipino ako kaya dapat sa Pilipinas ako nakatira."
Hindi ko idol si Sharon na kagaya ng tatay ko na umiyak pa nung kinasal siya kay Gaby pero humanga ako sa sinabi nya na ito. Totoo nga naman. Aba teka, June 12 pala ngayon. Araw ng kalayaan. Libre ang sakay sa LRT pero nagbebenta pa rin sila ng ticket sa mga hindi nakakaalam na libre. Hindi ko sinasadya na maging makabayan ang entry na ito. Siguro ay dahil sa lukso ng dugong Pilipino na nananalaytay sa akin. Laban Pacman! XD
